Skip to content
Genesis 19:17-36

Genesis 19:17-36

17
At nangyari, na nang sila'y mailabas na nila, ay sinabi, Itakas mo ang iyong buhay; huwag kang lumingon o huminto man sa buong kapatagan; tumakas ka hanggang sa bundok, baka ikaw ay mamatay.
18
At sinabi sa kanila ni Lot, Huwag ganiyan, panginoon ko:
19
Narito, ngayo't ang lingkod mo ay nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, at pinakalaki mo ang iyong awang ipinakita sa akin sa pagliligtas ng aking buhay; at ako'y di makatatakas sa bundok, baka ako'y abutan ng sama, at ako'y mamatay.
20
Narito, ang bayang ito ay malapit takasan at maliit: Oh tulutan mong tumakas ako roon, (di ba yao'y maliit?) at mabubuhay ako.
21
At sinabi sa kaniya, Narito, sa bagay mang ito ay pinayagan din kita, na hindi ko gugunawin ang bayang iyong sinalita.
22
Magmadali ka, tumakas ka roon; sapagka't wala akong magagawa hanggang sa dumating ka roon. Kaya't ang pangalang itinawag sa bayang yaon ay Zoar.
23
Ang araw ay nakalitaw na sa lupa nang dumating si Lot sa Zoar.
24
Nang magkagayo'y nagpaulan ang Panginoon sa Sodoma at Gomorra ng azufre at apoy mula sa Panginoon na buhat sa langit;
25
At ginunaw niya ang mga bayang yaon, at ang buong Kapatagan at ang lahat ng nangananahan sa mga bayang yaon, at ang tumutubo sa lupang yaon.
26
Datapuwa't ang asawa ni Lot ay lumingon sa likuran ni Lot, at naging haliging asin.
27
At si Abraham ay sumampang maaga ng kinaumagahan sa dakong kinatayuan niya sa harap ng Panginoon.
28
At siya'y tumingin sa dakong Sodoma at Gomorra, at sa buong lupain ng Kapatagan, at tumanaw, at narito, ang usok ng lupain ay napaiilanglang na parang usok ng isang hurno.
29
At nangyari, na nang gunawin ng Dios ang mga bayan ng Kapatagan, na naalaala ng Dios si Abraham, at pinalabas si Lot, mula sa gitna ng pinaggunawan, nang gunawin ang mga bayan na kinatitirahan ni Lot.
30
At sumampa si Lot mula sa Zoar at tumira sa bundok, at ang kaniyang dalawang anak na babae na kasama niya; sapagka't siya'y natakot na tumira sa Zoar: at siya'y tumira sa isang yungib, siya at ang kaniyang dalawang anak na babae.
31
At sinabi ng panganay sa bunso: Ang ating ama ay matanda, at walang lalake sa lupa na sumiping sa atin, ayon sa ugali ng sangkalupaan:
32
Halika, painumin natin ng alak ang ating ama, at tayo'y sumiping sa kaniya; upang mapalagi natin ang binhi ng ating ama.
33
At pinainom nila ng alak ang kanilang ama ng gabing yaon: at pumasok ang panganay at sumiping sa kaniyang ama; at hindi naalaman, ng ama nang siya'y mahiga ni nang siya'y magbangon.
34
At nangyari nang kinabukasan, na sinabi ng panganay sa bunso. Narito, ako'y sumiping kagabi sa aking ama; painumin din natin ng alak sa gabing ito; at pumasok ka, at sumiping ka sa kaniya; upang mapalagi natin ang binhi ng ating ama.
35
At pinainom din nila ng alak ang kanilang ama ng gabing yaon: at nagtindig ang bunso, at sumiping sa ama; at hindi naalaman ng ama nang siya'y mahiga, ni nang siya'y magbangon.
36
Sa ganito'y kapuwa nagdalangtao ang mga anak ni Lot sa pamamagitan ng kanilang ama.

Teksto ng Bibliya: Ang Dating Biblia (1905) · Pampublikong domain

Settings

Reading style

Typeface

Font size 19px

Reading width 75 chars

Options