Lumaktaw sa nilalaman

God

11,427 talata · 2 kapamilya

Mga talatang bumabanggit kay God

Salain ayon sa aklat
  1. Ikaw na aking hinawakan mula sa mga wakas ng lupa, at tinawag kita mula sa mga sulok niyaon, at pinagsabihan kita, Ikaw ay aking lingkod, aking pinili ka at hindi kita itinakuwil;

  2. Huwag kang matakot, sapagka't ako'y sumasaiyo; huwag kang manglupaypay, sapagka't ako'y iyong Dios; aking palalakasin ka; oo, aking tutulungan ka; oo, aking aalalayan ka ng kanang kamay ng aking katuwiran.

  3. Sapagka't akong Panginoon mong Dios, ay hahawak ng iyong kanang kamay, na magsasabi sa iyo, Huwag kang matakot; aking tutulungan ka.

  4. Huwag kang matakot, ikaw na uod na Jacob, at kayong mga tao ng Israel; aking tutulungan ka, sabi ng Panginoon, at ang iyong Manunubos ay ang Banal ng Israel.

  5. Narito, aking ginawa kang bagong kasangkapang panggiik na matalas na may mga ngipin; iyong gigiikin ang mga bundok, at didikdiking durog, at iyong gagawin ang mga burol na parang ipa.

  6. Iyong pahahanginan, at tatangayin ng hangin, at pangangalatin ng ipoipo: at ikaw ay magagalak sa Panginoon, ikaw ay luwalhati sa Banal ng Israel.

  7. Ang dukha at mapagkailangan ay humahanap ng tubig, at wala, at ang kanilang dila ay natutuyo dahil sa uhaw; akong Panginoon ay sasagot sa kanila, akong Dios ng Israel ay hindi magpapabaya sa kanila.

  8. Ako'y magbubukas ng mga ilog sa mga luwal na kaitaasan, at mga bukal sa gitna ng mga libis: aking gagawin ang ilang na lawa ng tubig, at ang tuyong lupain ay mga bukal ng tubig.

  9. Aking itatanim sa ilang ang cedro, ang puno ng acacia, at ang arayan, at ang olivo; aking ilalagay sa ilang ang puno ng abeto, at ang pino, at ang boj na magkakasama:

  10. Upang sila'y makakita at makaalam, at makagunita, at makatalos na magkakasama, na ginawa ito ng kamay ng Panginoon, at nilikha ng Banal ng Israel.

  11. Iharap ninyo ang inyong usap, sabi ng Panginoon; inyong ilabas ang inyong mga matibay sa pagmamatuwid, sabi ng Hari ng Jacob.

  12. May ibinangon ako mula sa hilagaan, at siya'y dumating; mula sa sikatan ng araw ay tumatawag siya sa aking pangalan: at siya'y paroroon sa mga pinuno na parang cimiento, at para ng magpapalyok na yumuyurak ng putik na malagkit.

  13. Ako'y unang magsasabi sa Sion, Narito, narito sila; at ako'y magbibigay sa Jerusalem ng isa na nagdadala ng mga mabuting balita.

  14. At pagka ako'y tumitingin, walang tao; sa gitna nila ay walang tagapayo, na makasagot ng isang salita, pagka ako'y tumatanong sa kanila.

  15. Narito, ang aking lingkod, na aking inaalalayan; ang aking hinirang, na kinalulugdan ng aking kaluluwa; isinakaniya ko ang aking Espiritu; siya'y maglalapat ng kahatulan sa mga bansa.

  16. Siya'y hindi hihiyaw, o maglalakas man ng tinig, o iparirinig man ang kaniyang tinig sa lansangan.

  17. Ang gapok na tambo ay hindi niya babaliin, ni ang timsim na umuusok ay hindi niya papatayin: siya'y maglalapat ng kahatulan sa katotohanan.

  18. Siya'y hindi manglulupaypay o maduduwag man, hanggang sa maitatag niya ang kahatulan sa lupa; at ang mga pulo ay maghihintay sa kaniyang kautusan.

  19. Ganito ang sabi ng Dios na Panginoon, na lumikha ng langit, at nagladlad ng mga yaon; siyang naglatag ng lupa at ng nagsisilitaw rito; siyang nagbibigay ng hinga sa bayang nito, at ng diwa sa kanila na nagsisilakad dito:

  20. Ako, ang Panginoon, ay tumawag sa iyo sa katuwiran, at hahawak ng iyong kamay, at magiingat sa iyo, at ibibigay kita na pinakatipan sa bayan, na pinakaliwanag sa mga bansa;

  21. Ako ang Panginoon; na siyang aking pangalan: at ang aking kaluwalhatian ay hindi ko ibibigay sa iba, o ang akin mang kapurihan sa mga larawang inanyuan.

  22. Narito, ang mga dating bagay ay nangyayari na, at ang mga bagong bagay ay ipinahahayag ko: bago mangalitaw ay sinasaysay ko sa inyo.

  23. Magsiawit kayo sa Panginoon ng bagong awit, at ng kapurihan niya na mula sa wakas ng lupa; kayong nagsisibaba sa dagat, at ang buong nariyan, ang mga pulo, at mga nananahan doon,

  24. Mangagbigay luwalhati sila sa Panginoon, at mangagpahayag ng kaniyang kapurihan sa mga pulo.

  25. Ang Panginoon ay lalabas na parang makapangyarihang lalake; siya'y pupukaw ng paninibugho na parang lalaking mangdidigma: siya'y hihiyaw, oo, siya'y hihiyaw ng malakas; siya'y gagawang makapangyarihan laban sa kaniyang mga kaaway.