Skip to content

Mga talata sa Bibliya tungkol sa Syro-Phenician

15 talata · 1 aspeto

Mahahalagang talata sa Bibliya

  1. At umalis doon si Jesus, at lumigpit sa mga sakop ng Tiro at Sidon.

  2. At narito, ang isang babaing Cananea na lumabas sa mga hangganang yaon, at nagsisigaw, na nagsasabi, Kahabagan mo ako, Oh Panginoon, ikaw na Anak ni David; ang aking anak na babae ay pinahihirapang lubha ng isang demonio.

  3. Datapuwa't siya'y hindi sumagot ng anomang salita sa kaniya. At nilapitan siya ng kaniyang mga alagad at siya'y pinamanhikan, na nangagsasabi, Paalisin mo siya; sapagka't nagsisisigaw siya sa ating hulihan.

  4. Datapuwa't siya'y sumagot at sinabi, Hindi ako sinugo kundi sa mga tupang nangaligaw sa bahay ni Israel.

  5. Datapuwa't lumapit siya at siya'y sinamba niya, na nagsasabi, Panginoon, saklolohan mo ako.

  6. At siya'y sumagot at sinabi, Hindi marapat na kunin ang tinapay sa mga anak at itapon sa mga aso.

  7. Datapuwa't sinabi niya, Oo, Panginoon: sapagka't ang mga aso man ay nagsisikain ng mga mumo na nangalalaglag mula sa dulang ng kanilang mga panginoon.

  8. Nang magkagayo'y sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, Oh babae, malaki ang pananampalataya mo: mangyari sa iyo ayon sa ibig mo. At gumaling ang kaniyang anak mula sa oras na yaon.

  9. At nagtindig siya doon, at napasa mga hangganan ng Tiro at ng Sidon. At pumasok siya sa isang bahay, at ibig niya na sinomang tao'y huwag sanang makaalam; at hindi siya nakapagtago.

  10. Nguni't ang isang babae na ang kaniyang munting anak na babae ay may isang karumaldumal na espiritu, pagdaka'y nang mabalitaan siya, ay lumapit at nagpatirapa sa kaniyang paanan.

  11. Ang babae nga ay isang Griega, isang Sirofenisa, ayon sa lahi. At ipinamamanhik niya sa kaniya na palabasin sa kaniyang anak ang demonio.

  12. At sinabi niya sa kaniya, Pabayaan mo munang mangabusog ang mga anak: sapagka't hindi marapat na kunin ang tinapay ng mga anak at itapon sa mga aso.

  13. Datapuwa't siya'y sumagot at sinabi sa kaniya, Oo, Panginoon; kahit ang mga aso sa ilalim ng dulang ay nagsisikain ng mga mumo ng mga anak.

  14. At sinabi niya sa kaniya, Dahil sa sabing ito humayo ka; nakaalis na ang demonio sa iyong anak.

  15. At umuwi siya sa kaniyang bahay, at naratnan ang anak na nakahiga sa higaan, at nakaalis na ang demonio.