Lumaktaw sa nilalaman

God

11,427 talata · 2 kapamilya

Mga talatang bumabanggit kay God

Salain ayon sa aklat
  1. Bibigyan ko rin naman kayo ng bagong puso, at lalagyan ko ang loob ninyo ng bagong diwa; at aking aalisin ang batong puso sa inyong katawan, at aking bibigyan kayo ng pusong laman.

  2. At aking ilalagay ang aking Espiritu sa loob ninyo, at palalakarin ko kayo ng ayon sa aking mga palatuntunan, at inyong iingatan ang aking mga kahatulan, at isasagawa.

  3. At kayo'y magsisitahan sa lupain na ibinigay ko sa inyong mga magulang; at kayo'y magiging aking bayan, at ako'y magiging inyong Dios.

  4. At lilinisin ko kayo sa lahat ninyong karumihan: at aking patutubuin ang trigo, at aking pararamihin, at hindi na ako magpaparating ng kagutom sa inyo.

  5. At aking pararamihin ang bunga ng punong kahoy, at ang ani sa bukid, upang huwag na kayong tumanggap pa ng kadustaan ng kagutom sa mga bansa.

  6. Hindi dahil sa inyo ginagawa ko ito, sabi ng Panginoong Dios, tantuin ninyo: kayo'y mangahiya at mangalito dahil sa inyong mga lakad, Oh sangbahayan ni Israel.

  7. Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sa araw na aking linisin kayo sa lahat ninyong kasamaan, aking patatahanan ang mga bayan, at ang mga gibang dako ay mangatatayo.

  8. Kung magkagayo'y malalaman ng mga bansa na nalabi sa palibot ninyo na akong Panginoon ay nagtayo ng mga guhong dako, at tinamnan ko ang dakong sira: akong Panginoon ang nagsalita, at aking gagawin.

  9. Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Bukod dito pa'y pagsasanggunian ako ng sangbahayan ni Israel, upang gawin sa kanila; ako'y magpaparami sa kanila ng tao na parang kawan.

  10. Kung paano ang kawan na panghain, kung paano ang kawan ng Jerusalem sa kanilang mga takdang kapistahan, gayon mapupuno ang mga gibang bayan ng mga kawan ng mga tao: at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

  11. Ang kamay ng Panginoon ay sumasa akin, at kaniyang dinala ako sa Espiritu ng Panginoon, at inilagay niya ako sa gitna ng libis; at yao'y puno ng mga buto.

  12. At kaniyang sinabi sa akin, Anak ng tao, maaari bagang mabuhay ang mga butong ito? At ako'y sumagot, Oh Panginoong Dios; ikaw ang nakakaalam.

  13. Muling sinabi niya sa akin, Manghula ka sa mga butong ito, at sabihin mo sa kanila, Oh kayong mga tuyong buto, inyong pakinggan ang salita ng Panginoon.

  14. Ganito ang sabi ng Panginoong Dios sa mga butong ito: Narito, aking papapasukin ang hinga sa inyo, at kayo'y mangabubuhay.

  15. At lalagyan ko kayo ng mga litid, at babalutin ko kayo ng laman, at tatakpan ko kayo ng balat, at lalagyan ko kayo ng hininga, at kayo'y mangabubuhay; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

  16. Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, Manghula ka sa hangin, manghula ka, anak ng tao, at sabihin mo sa hangin, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Manggaling ka sa apat na hangin, Oh hinga, at humihip ka sa mga patay na ito, upang sila'y mangabuhay.

  17. Sa gayo'y nanghula ako ng gaya ng iniutos niya sa akin, at ang hininga ay pumasok sa kanila, at sila'y nangabuhay, at nagsitayo ng kanilang mga paa, isang totoong malaking pulutong.

  18. Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, Anak ng tao, ang mga butong ito ay ang buong sangbahayan ni Israel: narito, kanilang sinasabi, Ang ating mga buto ay natuyo, at ang ating pagasa ay nawala; tayo'y lubos na nahiwalay.

  19. Kaya't manghula ka, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, aking bubuksan ang inyong mga libingan, at aking pasasampahin kayo mula sa inyong mga libingan, Oh bayan ko; at aking dadalhin kayo sa lupain ng Israel.

  20. At inyong malalaman na ako ang Panginoon, pagka aking binuksan ang inyong libingan, at aking pinasampa kayo na mula sa inyong mga libingan, Oh bayan ko.

  21. At aking ilalagay ang aking Espiritu sa inyo, at kayo'y mangabubuhay, at aking ilalagay kayo sa inyong sariling lupain, at inyong mangalalaman na akong Panginoon ang nagsalita, at nagsagawa, sabi ng Panginoon.

  22. Ang salita ng Panginoon ay dumating uli sa akin, na nagsasabi:

  23. Sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, aking kukunin ang tungkod ng Jose, na nasa kamay ng Ephraim, at ang mga lipi ng Israel na kaniyang mga kasama: at akin silang isasama roon, sa tungkod ng Juda, at gagawin ko silang isang tungkod, at sila'y magiging isa sa aking kamay.

  24. At sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, aking kukunin ang mga anak ni Israel mula sa gitna ng mga bansa, na kanilang pinaroonan, at pipisanin ko sila sa lahat ng dako, at dadalhin ko sila sa kanilang sariling lupain:

  25. At gagawin ko silang isang bansa sa lupain, sa mga bundok ng Israel; at isang hari ang magiging hari sa kanilang lahat; at hindi na sila magiging dalawang bansa, o mahahati pa man sila sa dalawang kaharian;